Para sa iyo...
Ito ang original na tema ng Pandamonya - ang maglaman ng aking mga rants and ramblings. Balak ko sanang i-scan lahat ng aking mga writings simula noong ako ay bata pa at i-post online. Hindi para mabasa ng ibang tao pero para mabasa ko ito kahit saan man ako magpunta. Napapagod na kasi akong maging isang pack rat. Nakakapagod ng bitbitin ang mga notebook, tissue, scrap paper, resibo atbp na ginawa kong diary. Mabigat sila masyado. Pakiramdam ko dala-dala ko palagi ang aking nakaraan. Gusto kong wala na akong masyadong dalahin para gumaan kahit paano ang aking pakiramdam.
Last year sinimulan kong gumawa ng online diary. Una ay sa Blog-city. Natuwa ako dito dahil kahit na wala akong pinagsabihan ay nagkaroon ako ng mahigit isang libong mga bisita na pawang mga hindi ko kakilala. Kaya lang napapansin kong halos lahat ng sinusulat kong bago ay pawang tungkol sa aking never-ending saga sa iyo. Kaya kahit gusto kong ikuwento sa iyo ang aking successful site ay hindi ko magawa. Hanggang sa napagod na akong mag-post pero hindi pa rin ako napagod na magsulat tungkol sa iyo.
Noong summer, sinubukan kong gumawa ulit ng online diary para maitapon ko na ang dumadami kong mga papel at ma-delete ang dumadami ng text files sa aking hard drive. Lumipat ako sa Wordpress kasi sabi mo maayos ang CMS nila at maraming features. Hindi ko pa masyadong natingnan ang Wordpress noon pero nag-register na rin ako para pareho tayo. Ang stupid ano?
Nagkaroon na naman ako ng ilang unexpected visitors na nakakatuwa pero tinanggal ko na rin ulit nung nahanap mo ito.
Lumipas ang ilang linggo, sinimulan kong buuing muli ang aking sarili. Sabi ko ititigil ko na ang aking katangahan kasi wala namang patutunguhan. Sayang lang iyong friendship natin kung masisira. Naglipat naman ako ngayon sa Blogger lalo na ng nabasa kong binili na ito ng Google at integrated na ito sa iba pang Google tools. Ang saya di ba? Kaya lang ala akong mahanap na theme na gusto ko at medyo magulo na rin ang isip ko dahil sa mga nangyayari sa opisina kaya nabitawan ko ulit ang pag-update subalit patuloy pa rin ang pagdami ng aking ramblings and rants tungkol sa iyo. Minsan nga nasusulat ko pa ang pangalan mo sa QA Form habang nakikinig at nagre-rate ng call ng mga agents.
Tuluyan ko na sanang makakalimutang gumawa ng online diary nang bigla akong mabigyan ng aking sariling porkyvore.com site galing sa isang nilalang na may mabuting kalooban. Good for 6 months daw. Naisip ko, sayang naman kung wala akong ilalagay na laman.
At na-post ko nga rito iyong aking sinulat nung minsang may PMS ako at sobrang galit sa mundo na naging dahilan para magalit ka sa akin at hindi mo ako kinausap ng isang linggo. Halos araw-araw akong ngumangalngal noon pero hindi ko pinapakita. Ang sakit sobra, lalo na kung pinipigilan ito. Kaya ang ginawa ko, nilagyan ko na ng password lahat at hindi na ako nag-update.
Hanggang sa nangyari na nga ang mga nangyari at hindi ko na nakayanan ang aking pagiging isang dakilang tanga. Ni-apply ko sa buhay ko ang ginagawa ko sa aking online diary - naglipat na rin ako sa lugar na malayo sa iyo. Kaya lang nung sinubukan kong magsulat ulit, tungkol pa rin sa iyo. Kaya noong Nobyembre, nagdesisyon na rin akong baguhin ang tema ng aking blog. Sinabi kong magiging tungkol na lang ito sa light topics kagaya ng showbiz or panlalait sa ibang tao. At iyon na nga ang nangyari - naipanganak iyong isa kong website.
Habang sinusulat ko ito, naisip ko, andami na pala nating napagdaanan. Iniwan kita... binalikan kita... at ngayon ay iniwan mo ako.
Nasabi ko na naman halos lahat ng dapat kong sabihin... Di ko lang alam kung napaintindi ko sa iyo ng todo kung gaano kasakit... at kung gaano ka naging mahalaga sa akin.
Alam kong minahal mo ako... Pero di ko alam kung mahal mo pa rin ako kagaya ng dati.
Sana sinabi ko na lang sa iyo ang lahat ng gusto kong sabihin bago ka umalis para wala ng what ifs.
Kaninang umaga nakatanggap ako ng text mula sa isang kaibigan
If you are shopping for a happy ending and couldn't find one
Buy a new beginning instead...
Siguro nga dapat ko ng tanggapin, na minsan may mga pangyayari talaga sa ating buhay na walang happy ending.
Para sa iyo, sana matagpuan mo ang sarili mong happy ending.